IKAAPAT NA KABANATA
Sadyang masasaya ang mga bata. Palibhasa nga’y wala pa namang mga responsibilidad sa buhay, normal ng makikita silang naglalaro sa lansangan, nakikipaghabulan, nagtatawanan… may kababawan kung minsan.
Bagong lipat lang siya kasama ang lola at tiyuhin. Mga isang buwan pa lang ang nakalipas ng mapansin siyang naglalaro kasama ng mga batang kaedad nya. Masigla siya, maayos ang pangangatawan at ang pananamit. Hindi naman bago ang kanyang mga kasuotan pero malimit siyang magpalit. Kaiba sa mga kalaro niya na…ahhhhmmmm….sabihin na nating halos kada tatlong araw kung magsipag bihis. Hindi naman sa kinatatamaran nila ang pagpapalit. Sadya lamang wala na silang ibang mapagpipilian kundi ang ilang pares ng kasuotang kanilang pinaghahalinhinan matapos labhan ng kanilang mga nanay.
Sa maraming pagkakataong makikita siyang nasa bakanteng lote upang makipagtaguan, kapansin pansin ang pagiging bida nya. Palibhasa nga’y hindi man lamang nangingilala kahit na baguhan lamang, kadalasa’y siya ang namumuno- sa taguan, teacher- teacheran, pinoy henyo at yung tawagin nila ay program-programan. Siya mismo ang magtatawag kung sino ang susunod na magpapakita ng talento.
“The first number in our program is a song by….” sabay tawag ng kung sino ang maisipan. Wala namang pagdadalawang isip kung sino ang mabigkas. Pero ni minsan yata hindi siya nagpakitang gilas. Liban sa kakayahan niyang magpasunod ng kapwa bata sa looban. Ang isa sa pinaka-aabangan ng kanyang mga kalaro lalo ng mga babae ay ang pagkukuwento niya pagkatapos nilang maglaro.
“Ang ganda talaga ng manikang pinadala saken ng ninong ko galing Japan.” panimula niya. Sa pagbanggit ng salitang “manika”, para na siyang pinuputakti ng katanungan at pagkamangha buhat sa mga kalaro. ” Para itong maliit na haponesa.Bulaklakang pula at puti ang mahabang damit na sabi ni tita ay kimono daw ang tawag. May maliit na puting unan ito sa likod na malambot at gawa sa makintab na telang seda.Maitim at mahaba ang buhok, may perlas na maliliit na korteng bulakalak at may maliit na payneta”. Detalyadong paliwanag niya na halos ikalaki ng mata ng mga kalaro.” At bukod pa dun, mayroon pa itong maliit na payong na kulay dilaw at berde na ang disenyo ay hardin na maraming paru-paro.”
Wala ng nasabi ang mga kalaro kundi ” Wow!”. Ganito lagi ang eksena sa tuwing makikipaglaro siya. Kaya naman hindi nagsasawa ang mga kalaro niyang babae sa kanya dahil talaga namang aasamin nilang magkaroon din ng mga manikang pinadadala sa kanya ng mga kamag-anak niya buhat sa ibang bansa. Bagay na nakapag-papalipad ng diwa ng mga kalaro.
Alin nga ba ang lumilipad? Ang diwa ng mga kalaro o ang pagkatao niya?
Isang araw, napansin ng mga kalaro na wala ang bida. Pinoy henyo dapat ang nakatakdang laruin nila. Nakahanda na ang mga lumang lata ng mantika bilang upuan ng dalawang unang pares. Mayroon na silang nakahandang dalawang supot ng gulagulanit na retaso. Siya ang may sabing magdala nito, bilang panabog sa hindi makakasagot. Siya lagi ang nakatokang magsulat sa kapirasong karton gamit ang mga lumang krayola kung ano ang pahuhulaan.
Alin nga ba ang gulagulanit? Ang retaso o ang pagkatao niya?
Palibhasa’y mga bata nga, mainipin. Sa tulong ng isang kalarong lalake, nagpasama sila sa tirahan ng bida. Tatlong batang babae kasama ang batang lalakeng tagaturo ng bahay ang magkakasama. Maliit lang ang eskenita kaya’t nakita nila ang bahay ng lider sa palaruan ng bakanteng lote.
Nahanap ng mga bata ang bahay. Naruon ang kanyang lola. Dun nila nabatid na may sakit pala ang prinsesa ng pinoy henyo. Multiple Mialoma- isang kakaibang karamdaman. Kanser daw sa buto ang kahalintulad. Sabi ng lola niya, bihirang bihira sa bansa natin ang dinadapuan ng ganitong sakit. Malas na nga lang daw at siya ang tinamaan. Nakuha daw yata ito sa labis na pag-abuso sa katawan ng kanyang ina nung ipinagbubuntis pa… na namata’y din matapos na siya ay ipanganak.
Alin nga ba ang kakaiba? Ang sakit o ang pagkatao nya?
Kinuha daw muna siya ng tiyuhin upang isama sa DSWD, PCSO at kung saan pa daw na ahensiyang makatulong sa kanila upang maipagamot kahit papano. Bagamat wala itong lunas at suntok sa buwan kung kailan siya babawiin ng Diyos, inilalaban ng natitirang mga kamag-anak ang batang para sa kanila ay biyaya at pinagmumulan ng kanilang kasiyahan.
“Kawawa naman po pala siya” Sabi ng isang kalaro sabay ikot ng mata sa paligid ng barung-barong.” Ah, lola, pwede po ba namin makita ang mga manika niya?” Tanung ng isa. Ngumiti ang matanda. Tumayo ng dahan dahan buhat sa yantok na folding chair. Kinuha ang lumang kahon ng sapatos na nakatago sa ilalim ng lamesitang pinapatungan ng maliit na imahe ng Sto. Niño de la Suerte. Iniabot ang kahon sa mga bata.
Bahagyang napangiti ang mga batang babae pagbukas ng kahon. Naruon sa luob ang mga manika. Kung paano ang pagkakakwento niya sa dibuho, sa kulay, sa bansang pinagmulan, sa buhok at mga kagamitan. Tatlong dosenang manika, na lahat ay nakaguhit lamang sa likot ng mga tinuping lumang kalendaryo at kinulayan ng putol putol na krayolang iningatan ng matagal at patuloy na iingatan sa nalalabi pa niyang mga araw.
Lumilipad, gulagulanit at kakaiba…siya si Kim…ang pang-apat na nailibing ng nadiskaril na pangarap.
Kanino na namang pangrap ang maililibing?
ABANGAN…..
DAANGHARI…LIBINGAN NG MGA NADISKARIL NA PANGARAP
sa panulat ni jonmarq